VIGAN CITY – Mahigpit umanong ipinapatupad ng pamahalaan ng Italy ang nakasaad sa Article 650 ng kanilang Penal Code kaugnay sa mga taong lalabas o tatakas sa mga lugar na sakop ng lockdown dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Nakasaad umano rito na magmumulta ng 206 Euro o katumbas ng mahigit P11,000 at makukulong pa ng tatlong buwan ang mga taong lalabag sa nasabing batas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Analiza Bueno na tubong Batangas City ngunit nagtatrabaho sa Center for Employment and Service for Nationals sa Rome bilang isang migrant consultant, sinabi nito na isa ang pagmumulta at pagkukulong sa mga ipinapatupad na hakbang ng Italian government upang maiwasan ang maraming kaso ng COVID-19.
Maliban pa rito, mayroon na ring ipinalabas na bilin ang alkalde ng Rome na kinakailangan umanong sundin ng mga transport systems ang isa hanggang dalawang metrong pagitan ng mga pasahero sa bawat isa upang hindi magkahawaan ng virus.
Aminado ito na wala silang katiyakan sa mga susunod na araw kung ano ang magiging sitwasyon sa Italy kaya doble-doble ang kanilang ginagawang pag-iingat.