-- Advertisements --
OTOPSIYA SA BANGKAY NG ESTUDYANTENG NASAWI MATAPOS SAMPALIN NG GURO, NAISAPINAL NA NG PNP FORENSIC GROUP

Natapos na ng Philippine National Police Forensic Group ang isinagawang otopsiya sa mga labi ng biktimang si Francis Jay Gumikib na nasawi matapos na umano’y masampal ng kaniyang guro sa Antipolo City.

Ito ay kasunod ng histopathological examinations na isinagawa ng medicolegal division ng PNP Forensic Group sa bangkay ng bata upang busisiin pa ito ng mas maigi at alamin kung ano talaga ang naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Ayon kay PNP Forensic Group Director PBGEN. Constancio Chinayog Jr., isinailalim sa iba’t-ibang examination ang katawan ng bata kabilang na ang cranial CT scan, chest xray, electrolyte examinations at iba pa kung saan nakitang pagdurugo at pamamaga ng utak at pagputok ng ugat ang naging sanhi ng pagkasawi ng biktima.

Samantala, bagama’t may resulta na ang ikinasang examination ng mga otoridad sa mga labi ni Francis Jay ay tumanggi muna ang mga ito na kumpirmahin kung ang pagkamatay nito ay may direktang kaugnayan sa naging pananampal umano sa kaniya ng kaniyang guro.

Paliwanag ni PNP Public Information Office Chief PCOL. Jean Fajardo, nais kasi munang iparating ng Pambansang Pulisya sa naulilang pamilya nito ang resulta ng autopsy at histopathological examination sa biktima bago ito isapubliko bilang pagrespeto na rin sa kanilang mararamdaman.

Aniya, kaugnay nito ay nakatakdang makipagpulong sa mga kaanak ng biktima ang tauhan ng Antipolo City Police at ang medicolegal officers upang talakayin sa kanila ang resulta ng naging findings ng mga eksperto.

Ngunit kasabay nito ay nilinaw ni Fajardo na hindi lang ito ang magiging basehan ng kapulisan sa pagsasampa ng kaso laban sa gurong nanampal sa biktima.

Kung maaalala, una nang sinabi ng ina ng biktima na si Elena Minggoy na desidido itong papanagutin at sampahan ng kaso ang gurong nanakit sa kaniyang anak anuman ang maging resulta ng isinagawang medicolegal ng kapulisan sa katawan ng kaniyang anak na si Francis Jay.