-- Advertisements --

Nanawagan ang Legal Network for Truthful Elections (LENTE) sa pamahalaan na maimbestigahan ang mga organizers at supporters ng mga political rallies sa bansa sa mga nakalipas na buwan.

Ayon kay Atty. Ona Caritos, ang executive director ng LENTE, nakitaan kasi ng mga paglabag sa mga umiiral na minimum health protocols ang mga aktibidad na ito.

Iginiit ni Caritos na kailangan maging mas mahigpit ang mga local government units (LGUs) sa pagpapatupad ng minimum health protocols gayong lahat na ng mga kandidato ngayon ay nag-oorganisa ng mga rally at motorcades.

Sa ngayon kasi ang guidelines na itinakda ng Commission on Elections (Comelec) tungkol sa political campaigns at rallies ay hindi pa maaring gamitin gayong magsisimula pa lamang ito sa campaign period ayon sa Republic Act No. 9369.

Base sa kalendaryo ng Comelec, Pebrero 2022 magsisimula ang campaign period para sa national positions at sa Marso 2022 naman ang sa local posts.

Binigyan diin ni Caritos na kahit napakahigpit ng guidelines ng Comelec ay wala naman pangil pa ito sa ngayon kahit pa may resolution na silang inilabas para sa pangangampanya.