-- Advertisements --
ABSCBN

Sinuportahan ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang order ng National Telecommunications Commission (NTC) na ipasara ang malaking TV network na ABS-CBN.

Base sa inilabas ng NTC na cease and desist order, immediately and executory ang order nitong isara ang ABS-CBN Corporation.

Ani Guevarra, ngayong natanggap na ng giant TV network ang order ay kailangang tumalima umano ang network dito ang ABS-CBN habang isinasagawa ang kanilang legal remedies.

Una rito, inamin ng NTC na mayroon pa namang mga legal remmedies ang ABS-CBN na pigilan ang pagpapatupad ng order na itigil na ang operasyon sa kanilang telebisyon at radyo sa buong bansa.

Ayon kay NTC Commissioner Edgardo Cabarios, may alam naman daw ang legal team ng naturang network sa mga dapat na susunod na hakbang.

Nagpaliwanag pa si Commissioner Cabarios, na ang pinatitigil daw nila ay ang content ng ABS-CBN matapos na mag-expire ang prangkisa kahapon makaraang mabigong maipasa ito ng kongreso.

Sinabi pa ni Cabarios, maari pa rin naman daw makapag-operate ang ABS-CBN sa ibang platform tulad sa online o digital dahil ang sakop ng kanilang cease and desist order ay sa airwaves ng Pilipinas lalo na kung walang ilalabas na temporary order o TRO ang mga korte.

Samantala, umaasa pa rin ang ABS-CBN ng positibong development mula sa panig ng gobyerno ukol sa kanilang prangkisa sa kabila ng cease and desist order na inilabas ng National Telecommunications Commission (NTC).

Sa kanilang official statement, tiniyak ng TV network na mananatili sila sa kanilang commitment na makapagbigay ng serbisyo sa kabila ng kinakaharap na suliranin.

Naniniwala umano silang ang pagpapatigil sa operasyon ng ABS-CBN ay mangangahulugan din ng pagtanggal sa access ng kanilang mga followers sa impormasyong inilalabas sa kanilang mga platform.

Sa panig naman ng mga tauhan ng network, nababahala silang tuluyang mawalan ng trabaho ngayong panahon pa man din ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.