ILOILO CITY – Umaabot sa 15 sachet ng suspected shabu ang nakuha sa isang administrative officer ng Iloilo Hall of Justice at limang kaanak nito sa buy bust operation sa 7th Street, Alta Tierra Village, Balabago, Jaro, Iloilo City.

Ang mga nahuli ay kinilalang sina Rascid Divinagracia, 43, mga anak na sina Vanessa Bedua, 26, at Jan Yasser Divinagracia, 24, pinsan na si Michael Divinagracia, 37, nobyo ni Vanessa Bedua na si Jerick Esponilla, 31, ng Pavia, Iloilo at Marlon Durban na administrative officer ng Branch 9 sa Iloilo Hall of Justice.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay P/Cpt. Mark Dado, team leader ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), sinabi nito na maliban sa nakuhang 15 sachet ng suspected shabu, nakuha rin sa mga arestado ang P3,500 na buy bust money.

Inako mismo ni Durban na matagal na itong gumagamit ng illegal drugs.

Laking pasasalamat naman ni Punong Barangay Edgar Arañador ng nasabing lugar, sa pagkahuli sa mga drug personality kung saan nasa Barangay Anti-Drug Abuse Committee (BADAC) report pa ang pangalan ng isa sa mga nahuli na si Jan Yasser Divinagracia.

Maliban sa BADAC, madalas rin umanong nasangkot sa eskandalo ang nasabing pamilya.