-- Advertisements --

Inilunsad na ngayong araw ng Department of Migrant Workers (DMW) ang One Repatriation Command Center (ORCC) para sa mga kababayan nating overseas Filipino workers (OFWs).

Ito ay naglalayon na mabigyan ng agarang tugon ang iba’t-ibang mga alalahanin ng mga distressed OFWs tulad na lamang ng kanilang repatriation at kanilang welfare.

Sa ginanap na launching ng naturang command center ay dinaluhan ng iba’t ibang kinatawan ng mga ahensya ng pamahalaan na kinabibilangan nina DMW Sec. Susan “Toots” Ople, OWWA chief Hans Cacdac, POEA Administrator Bernard Olalia, at DFA Usec. for Migrant Workers Affairs Eduardo Jose de Vega.

Sa isang pahayag ay tiniyak ni Sec. Toots Ople na sa pamamagitan nito ay hindi na kinakailangan pang magpakahirap ang ating mga kababayan na kumatok sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno para humingi ng tulong para sa kanilang mga kamag-anak at pamilyang OFW na inaargabyado sa ibang bansa.

Dahil ngayon ay kinakailangan na lamang tumawag ng mga ito sa One Repat-DMW hotline na 1-348 o di kaya’y mag walk in sa mismong command center para humingi ng assistance.

Samantala, sinabi rin ni Ople na upang masigurong maisakakatuparan na maging maganda ang takbo nito ay makikipagtulungan sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) partikular na sa mga lugar na walang labor offices. Habang mayroon din itong satellite office sa tanggapan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Pasay City.

Ang One Repatriation Command Center ay matatagpuan sa second floor ng Blas F. Ople Building sa Edsa corner Ortigas Avenue.

Mag-ooperate ito 24/7 na may mga case and welfare officers na magtatrabaho naman ng 3 shifts kada araw.