-- Advertisements --

Pormal nang nanumpa ngayong araw si former Department of Justice Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla bilang bagong Ombudsman.

Kung saan opisyal na siyang maituturing bilang ika-pitong tanod-bayan, kasunod sa kanyang pinalitan na si Samuel Martires.

Pinangunahan mismo ni Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen ang naturang oath taking ceremony isinagawa sa Korte Suprema.

Sa naganap na panayam sa bagong tanod-bayan, nagbahagi ng mensahe si Ombudman Remulla partikular sa mga tiwali at korap na opisyal ng gobyerno.

Kanyang binigyang diin na wala umano siyang sisinuhin sapagkat kanyang iimbestigahan at ipatatawag ang sinumang may nalalamang impormasyon.

Uusigin aniya ang mga ito lalo na ang mga opisyal na masasangkot o nagmamalabis sa kanilang mga responsibilidad.

“Eh, ngayon talaga ibang standard ang ilalagay natin dito at wala tayong sisinuhin. Pag’ may dumating na impormasyon na dapat imbestigahan, iimbestigahan natin,” ani Ombudsman Jesus Crispin Remulla.

“Tatawagin natin lahat ng merong ah poder para mag-disclose ng information tungkol sa mga kasong fina-file at gagamitin natin ang mga impormasyon sa korte para usigin yung mga lalabag sa batas at magmamalabis sa kanilang responsibilidad,” dagdag pa ni Ombudsman Remulla.

Habang kanyang iginiit naman na hindi sesentro ang kanyang pokus sa kung sinong personalidad ang sangkot kundi sa kung anong kasong maaring mabuo.

Mataas man o mababa ang posisyon ng opisyal, kanyang tiniyak na walang sisinuhin kahit umabot pa maging mga senador.

“Hindi eh, ang concern natin dyan yung huilding the case, hindi sino pero anong kaso, anong ebidensya. Kaya everybody comes in there, kaya kaya wala ho tayong sinisino rito,” ani Ombudsman Jesus Crispin Remulla.

Dagdag pa rito, nang matanong naman ang bagong talagang Ombudsman kung iimbestigahan pati mga kaanak ng Pangulo sakaling sangkot sa korpasyon, aniya’y wala umano siyang ‘choice’ pang itanggi ito.

Wala aniya siyang magagwa kung may mapepresentang ebidensyang makapagpapatunay sa pagkakasangkot ng mga ito sa isyu ng katiwalian.

Kung kaya’t magiging bukas umano ang Office of the Ombudsman upang makakakalap ng sapat na mga ebidensiya maaring magamit sa pagsasampa ng kaso.

“Wala naman tayong choice dito yun ang ebidensya. Pwede ba nating i-deny ang ebidensya? Kung mayroong ebidensya. Yan yung talagang hamon sa atin dito to produce the evidence,” Ombudsman Jesus Crispin Remulla.

Ang naturang dating kalihim ay ang siyang ika-pitong Ombudsman kasunod nang pormal na manumpa ngayong araw sa pagkakatalaga ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.