Inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na inirekomenda na ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga sangkot sa umano’y ghost flood control project sa Kulaman, Jose Abad Santos, Davao Occidental na nagkakahalaga ng halos P100 milyon.
Ayon sa ulat ng Pangulo, nakita ng Ombudsman na may sapat na basehan upang sampahan ng malversation through falsification at paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang ilang personalidad mula sa St. Timothy Construction Corporation at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Lumabas sa imbestigasyon na pinaniniwalaang gumamit ng pekeng dokumento ang mga sangkot upang mailabas ang pondo ng proyekto kahit walang naganap na aktwal na konstruksyon. Kabilang sa mga inireklamo mula sa St. Timothy Construction sina Cezarah Rowena Discaya at Maria Roma Angeline Remando.
Kasama rin sa iniimbestigahan ang ilang DPWH personnel na umano’y nagpabilis ng pag-apruba ng mga dokumentong nagresulta sa pag-release ng buong pondo.
Patuloy namang isinusulong ng Ombudsman ang pag-usad ng kaso upang mapanagot ang mga posibleng responsable sa anomalya.
















