-- Advertisements --

Ibinalik ng Office of the Ombudsman sa Department of Justice ang limang kaso ipinasa nito kamakailan kaugnay sa flood control projects anomaly. 

Ayon mismo kay Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, ipinauubaya na ng tanggapan sa kagawaran ang pagproseso sa naturang mga kaso. 

Maaalalang isinumite o ini-refer ng Department of Justice sa Ombudsman ang kinalabasan sa imbestigasyon partikular ng mga ghost flood control projects sa lalawigan ng Bulacan. 

Subalit inihayag ni Ombudsman Boying Remulla na kanila itong ibinabalik sa DOJ upang ang kagawaran na ang manguna sa pagsasagawa ng preliminary investigation. 

Iniiwasan aniya raw kasi ang maulit pa ang proseso sa Ombudsman nang sa gayon ay direktang maihain na ang mga kaso sa Regional Trial Court. 

Gayunpaman, inihayag ni Ombudsman Remulla na ang ilan sa mga pinakakasuhan ay inilalahad na ang kanilang mga nalalaman o testimonya. 

Kung kaya’t naniniwala siyang maganda na itong simula lalo na sa pag-uumpisa ng pagsasaoli ng perang nakamal mula sa mga proyekto. 

Tiwala naman ang Ombudsman sa DOJ na matatapos nito ang preliminary investigation at tuluyan maisasampa bilang mga kaso na sa darating na ika-20 ng Nobyembre. 

Habang kanya namang kinumpirma na nag-umpisa na ang preliminary investigation ng Ombudsman sa reklamong inihain ng Independent Commission for Infrastructure kamakailan.