Malugod na tinanggap ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union ang pahayag ni Makati Business Club (MBC) Executive Director Apa Ongpin na nananawagan ng patas na proseso para sa lahat, kabilang si dating House Speaker Martin Romualdez, kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Ortega, ang mga sinabi ni Ongpin ay sumasalamin sa panawagan ng taumbayan para sa katarungan, at nagpapakita ng parehong adhikain ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at ni dating Speaker Romualdez—mga prinsipyong nakatuon sa transparency at pananagutan.
Sinabi ni Ongpin na, tulad ng sinumang akusado, karapat-dapat si Romualdez sa due process at isang makatarungan at malayang imbestigasyon.
Idinagdag din ni Ongpin na dapat gumalaw ang mga imbestigador nang walang political interference, at tiyaking mabibigyan ng pagkakataon ang lahat ng nasasangkot na maipagtanggol ang kanilang sarili.
Binigyang-diin ni Ortega na pinatunayan ni Romualdez ang kanyang integridad nang kusa itong bumaba sa puwesto bilang House Speaker noong nakaraang buwan upang bigyang-daan ang isang malaya at bukas na imbestigasyon.
Muling iginiit ni Ortega na ang due process ang pundasyon ng tunay na hustisya, at ang kredibilidad ng pamahalaan sa laban kontra korapsyon ay nakasalalay sa pagiging patas at walang kinikilingang imbestigasyon.