Nagbabala si Deputy Speaker at Antipolo City Representative Ronaldo “Ronnie” Puno na may posibleng paninira laban kay dating Speaker Martin Romualdez bago ito humarap sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Ayon kay Puno, hindi maganda ang tiyempo ng mga paratang tungkol sa umano’y katiwalian sa mga proyektong farm-to-market road (FMR) sa Leyte dahil bukas (Martes) na ang pagharap ni Romualdez sa ICI.
“Parang may demolition job o paninira na nangyayari. Malungkot ang timing,” sabi ni Puno sa panayam.
May mga ulat na sinasabing may overpricing at maling paggamit ng pondo sa mga FMR projects sa Leyte.
Ngunit giit ni Puno, maliit lang ang mga proyektong ito at dumaan sa pagsusuri ng Department of Agriculture (DA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ipinaalala rin ni Puno na ang farm-to-market road ay para sa lahat ng magsasaka, hindi lang para sa palay. Kaya may karapatan ang kahit anong komunidad na makinabang sa mga ito.
Sinabi rin niya na parang may mga taong nagtuturo sa iba para makaiwas sa pananagutan.
Tinuligsa rin niya ang paraan ng pag-uulat ng balita dahil hindi raw nakuha ang panig ng mga inaakusahan. Aniya, nang humabol na lang ang mga paliwanag, kumalat na ang masamang impresyon.
Ayon kay Puno, hindi ito patas hindi lang kay Romualdez, kundi pati sa iba pang opisyal na posibleng madamay.