-- Advertisements --

Nagpahayag ng buong tiwala at suporta ang Lakas–Christian Muslim Democrats (Lakas–CMD) kay dating Speaker at Party President Martin Romualdez, kasunod ng mga isyung iniuugnay sa proseso ng pambansang badyet at kontrobersiya sa flood-control projects.

Sa pahayag na nilagdaan ng mga mataas na opisyal ng partido, iginiit ng Lakas–CMD na “walang anumang ebidensiyang” nagdurugtong kay Romualdez sa anumang iregularidad.

 Giit nila, dapat manindigan ang bansa sa pamantayan ng ebidensiya, hindi tsismis: “Hindi showbiz ang imbestigasyon. Hindi ito entablado ng drama.”

Ayon sa partido, malinaw at hindi mapagkakaila ang opisyal na rekord“walang ebidensiya laban kay Martin Romualdez.” 

Sinabi rin nilang ang mga nag-uugnay sa dating Speaker sa kontrobersiya ay nakabatay lamang sa pabago-bagong pahayag sa mga lugar na hindi nasusuri o nabeberipika.

Binigyang-diin ng partido na si Romualdez ay handang makipagtulungan sa anumang legal na imbestigasyon, at na bilang Speaker ay iginagalang niya ang proseso ng badyet, na iniiwan ang teknikal na trabaho sa Committee on Appropriations at bicameral panel. 

Wala umano siyang pakikialam sa pagbuo, pag-endorso, o pakikipag-usap kaugnay ng mga proyekto at alokasyon.

Nagbabala ang Lakas–CMD laban sa mga alegasyong walang patunay, na anila’y nagdudulot lamang ng kalituhan at pagkakawatak-watak. “Kailangan ng publiko ang katotohanan, hindi kathang-isip,” ayon pa sa partido.

Binigyang-diin ng Lakas–CMD na mananatili silang nagkakaisa sa likod ni Romualdez: “Matatag, nagkakaisa, at nasa tama.”