-- Advertisements --

Bumaba ang naitala ng Department of Health (DOH) na kaso ng influenza-like illnesses (ILI) o mala-trangkasong sakit sa unang dalawang linggo ng Oktubre.

Ayon kay Health Promotion Bureau Director Tina Marasigan, mahigit 6,400 kaso ng ILI ang naitala sa buong bansa mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 11.

Ito ay 39% na mas mababa kumpara sa 10,740 cases na naitala mula Setyembre 14 hanggang 27 ng kasalukuyang taon.

Ang naturang datos din ay 25% na mas mababa kumpara sa naitalang mahigit 8,600 na kaso ng sakit sa parehong panahon noong 2024.

Subalit, paliwanag ng opisyal na maaari pa ring magbago ang naturang bilang dahil sa nagpapatuloy na surveillance.

Una na ngang nilinaw ni Health Secretary Ted Herbosa na walang plano ang ahensiya na magpatupad ng lockdown dahil sa pagsipa ng sakit sa mga nakalipas na linggo partikular na sa mga estudyante na nagbunsod ng pagkansela ng mga klase sa Metro Manila.

Ayon sa kalihim, ang ILI ay isang seasonal respiratory illnesses kayat walang flu outbreak. Gayundin, madali aniyang kumalat ang sakit lalo na kapag panahon ng tag-ulan kayat inirerekomenda ang pagsusuot ng face mask o manatili muna sa bahay sakaling dapuan ng naturang sakit para maiwasang maihawa.

Patuloy na paalala ng DOH sa publiko, regular na maghugas, takpan ang bibig at ilong kapag babahing o uubo, at dapat na may sapat na tulog, kumain ng masustansiyang pagkain at uminom ng maraming tubig.

Para naman sa mga nakakaramdam ng mga sintomas gaya ng lagnat, ubo, pananakit ng lalamunan at katawan, dapat na manatili sa bahay para hindi makahawa, uminom ng gamot gaya ng paracetamol para sa lagnat at komunsulta sa doktor o sa pinakamalapit na health center.