-- Advertisements --

Muling nanindigan si Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na may katotohanan ang naunang rebelasyon ukol sa inisyung ‘arrest warrant’ ng International Criminal Court laban kay Sen. Bato Dela Rosa.

Sa isang panayam, kanyang pinanindigan ang pahayag na mayroon ng inilabas ang naturang International Tribunal na warrant kontra sa mambabatas.

Ayon kay Ombudsman Remulla, mula ang impormasyon sa isang mapagkakatiwalaang tao na dating kasamahan sa Department of Justice.

Aniya pa niya’y meron siyang ‘unofficial copy’ ng ‘arrest warrant’ sa kanyang cellphone ngunit tumanggi pa ring ipakita o isapubliko ang kopya.

Maaalalang noong nakaraang buwan unang ibinunyag ng dating kalihim ng DOJ ang sinasabing ‘arrest warrant’ laban kay Sen. Bato Dela Rosa.

Ang naturang mambabatas ang isa sa mga kapwa inaakusahan may kinalaman sa implementasyon ng ‘war on drugs’ ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nahaharap at kasalukuyang nakadetene si Duterte sa The Hague, Netherlands para sa kasong crimes against humanity.

Sa kabila nito, aminado ang kampo ni Sen. Dela Rosa na posibleng may katotohanan ang sinasabing inisyung warrant ng International Tribunal.

Ayon kay Atty. Israelito Torreon, parang totoo na ang pahayag ngunit sa kasalukuyan ay wala pa rin silang tiyak na kumpirmasyon hinggil rito.

Sa parte naman ng Department of Justice, ibinahagi ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na wala pang natatanggap ang kagawaran na opisyal na kopya nito.