-- Advertisements --

Ipinag-utos ng bagong talagang Ombudsman na si Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na bawiin muna ang ilang mga kasong nasa Sandiganbayan na may kaugnayan sa isyu ng Pharmally. 

Kung saan ipinawi-withdraw mismo ni Ombudsman Boying Remulla ang partikular na mga kasong di’ pa sumasailalim sa arraignment ng korte. 

Ayon sa naturang opisyal, kanya itong ipinag-utos upang masuri at isailalim sa ‘reassessment’ ang mga reklamong inihain ng Ombudsman sa Sandiganbayan. 

Layon aniya raw na matiyak ang kahandaan ng mga ito sa oras na maisampa sa korte o ang tinatawag niyang ‘ready for trial’. 

Paliwanag din ni Ombudsman Remulla na hindi siya kampante sa mga reklamong naihain kung kaya’t nais niya mismo itong silipin at alamin ang mga detalye ng kaso. 

Maaalalang ang Senado ang siyang nanguna sa imbestigasyon kaugnay sa kontrobersyal na isyu ng Pharmally.

Dito tinalakay ang bilyun-bilyong pondo ng gobyerno na ginamit ng Department of Health para ipambili sa mga overpriced na medical supplies sa kasagsagan ng pandemya ng adminstrasyong Duterte.

Kaya dahil rito’y nais mabigyang linaw ni Ombudsman Remulla ang patungkol sa kaso sapagkat aminado din siyang di’ niya ito lubos natutukan noon.