Umaasa umano si Indiana Pacers guard Victor Oladipo na makakabalik na ito sa lineup ng koponan sa unang bahagi ng Pebrero ng susunod na taon.

Ang inaasahang pagbabalik na ito ni Oladipo sa Pacers ay posibleng makapagpalakas pa sa team na isa sa posibleng maging contender sa Eastern Conference.

Ayon sa ilang mga sources, kung si Oladipo raw ang tatanungin ay nais na nitong makapaglaro muli sa huling bahagi pa lamang ng Enero.

Matatandaang sumailalim sa rehabilitation program ang All-Star guard makaraang dumanas ng ruptured right quad tendon halos isang taon na ang nakalilipas.

Nitong mga nakalipas na linggo ay sumasama na si Oladipo sa on-court workout ng Pacers.

Sa kasalukuyan ay may 21-10 record ang Indiana, na nasa likod ng second-place na Boston sa Eastern Conference standings.