Tumaas ng mahigit 5% ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan noong Lunes matapos muling sumiklab ang pangamba na maaaring masira ang tigil-putukan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Umabot na kasi sa $95.46 kada bariles ang Brent crude habang ang U.S. West Texas Intermediate (WTI) ay pumalo sa $88.89 kada bariles.
Ayon sa ulat, tumaas ang presyo matapos kumpiskahin ng Amerika ang isang Iranian cargo ship at pagsasara muli sa Strait of Hormuz, na isa sa mga dinadaanan ng humigit-kumulang 20% ng pandaigdigang suplay ng langis.
Bagama’t bumagsak ang presyo ng langis ng halos 9% noong nakaraang Biyernes dahil sa pansamantalang pagbubukas ng naturang Srait, muling sumipa ang presyo nito dahil sa panibagong tensyon sa dalawang bansa.
Nagbabala ang mga analyst na maaaring magpatuloy ang volatility o pabago-bagong galaw ng presyo ng langis habang nananatiling walang kasigaraduhan ang kasunduan sa pagitan ng U.S. at Iran.
Posible rin umanong tumaas pa ang presyo ng langis kung hindi maaayos ang sitwasyon sa Strait of Hormuz.
Samantala, iniulat na halos huminto rin ang daloy ng mga barko sa Strait of Hormuz kung saan tatlong vessel lamang ang nakadaan sa loob ng 12 oras, kumpara sa higit 20 barko na naitatalang dumadaan noong nakaraang Sabado.
Sa kabilang banda, ayon sa shipping data and traders hindi nagbabawal ang China ng pag-export ng refined fuel nito kundi binabawasan lamang daw nila ang dami ng kanilang inilalabas sa ibang bansa kung saan nakikinabang sa suplay ang ilang bansa tulad ng Malaysia at Australia.
















