-- Advertisements --

Umabot sa kabuuang 123 Pilipino mula United Arab Emirates (UAE) at Israel ang ligtas na naipauwi sa Pilipinas noong Abril 18, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), sa gitna ng lumalalang tensyon sa Middle East.

Ayon sa DMW, 101 Pilipino ang dumating mula UAE sa ilalim ng voluntary repatriation program ng gobyerno.

Kabilang dito ang 80 overseas Filipino workers (OFWs) at 21 kanilang dependents.

Sinalubong sila ng mga kinatawan mula sa DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Pagdating sa bansa, binigyan sila ng psychosocial support ng Department of Health (DOH) at sinamahan din ng mga seminar para sa negosyo at kabuhayan mula sa Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Labor and Employment (DOLE).
Sila rin ay isinailalim sa profiling, skills assessment, at job matching para matulungan sa paghahanap ng bagong trabaho.

Samantala, 22 OFWs naman mula Israel ang nakauwi rin sa Pilipinas sa pamamagitan ng commercial flight. Kabilang dito ang 18 caregivers at 4 hotel workers.

Dumaan sila sa Egypt bago nakasakay ng eroplano pabalik ng bansa, sa tulong ng Philippine Embassy sa Israel at OWWA.

Ayon sa DMW, dumaan ang grupo sa Taba Border Crossing noong Abril 16 bago tuluyang naiuwi sa Pilipinas.

Siniguro ng gobyerno na tutulungan ang mga repatriated OFWs sa kanilang reintegration sa pamamagitan ng training, livelihood assistance, medical support, at employment program.