Muling uminit ang pagitan ng Iran at Estados Unidos matapos ang ulat na maaaring magkaroon ng serye ng hiwalay at posibleng direktang pag-uusap sa Pakistan ngayong weekend.
Ayon sa Iranian state broadcaster IRIB, hindi plano ni Foreign Minister Abbas Araghchi na makipagkita nang direkta sa U.S. officials sa Pakistan, ngunit maaaring magsilbing “bridge” ang Islamabad upang maiparating ang posisyon ng Iran hinggil sa posibleng pagwawakas ng digmaan.
Samantala, sinabi ng White House na ipinadala nito sina Steve Witkoff at Jared Kushner sa Pakistan matapos umanong hilingin ng Iran ang face-to-face discussions.
Ayon sa ulat, batay sa isang opisyal ng Pakistan, na magkakaroon muna ng hiwalay na pagpupulong ang mga delegasyon ng Amerika at Iran sa mga opisyal ng Pakistan bago posibleng maganap ang direktang usapan sa Linggo kung magiging maayos ang unang round ng discussion.
Nabatid na dumating na sa Pakistan si Araghchi nitong gabi ng Biyernes (local time) para sa hiwalay na pagtalakay sa bilateral issues ng Iran at Pakistan.
Kasabay nito, nagpatupad ang U.S. Treasury ng bagong sanctions laban sa Iran, kabilang ang pagdagdag ng humigit-kumulang 40 entities at tankers sa blacklist at pag-freeze ng $344 million sa cryptocurrency assets.
Ayon kay U.S. Treasury Secretary Scott Bessent, layunin nitong targetin ang “financial lifelines” ng Iranian government habang nagpapatuloy ang tensyon sa rehiyon.
















