Naglabas ng matapang na pahayag si Iran Parliament Speaker Mohammad Bagher Ghalibaf matapos bumalik sa Iran mula sa Pakistan, kung saan siya ang nanguna sa negosasyon ng peace talk sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.
Bilang tugon sa mga pahayag ni U.S. President Donald Trump, iginiit ni Ghalibaf na “such threats have no effect on Iranians”at hindi sila “surrender under threats.”
Ayon sa ulat ng Iranian outlets, sinabi niya na handa ang Iran na tumugon sa anumang babala ng Amerika: “if you fight, we will fight, if you come forward with logic, we will respond with logic.”
Dagdag pa niya, hindi magpapasailalim ang Iran sa anumang uri ng pagbabanta at kung susubukin muli ang kanilang determinasyon, “we will teach them an even greater lesson.”
Binanggit din ni Ghalibaf na mula pa sa simula ng negosasyon, hindi na nagtitiwala ang Tehran sa Estados Unidos at dapat umano itong pagtrabahuhan ng Amerika dahil sa mga ginawang naunang pag-atake sa Iran habang isinasagawa ang negosasyon.
Kasunod nito, sinabi ni Trump sa kaniyang mga post sa Truth Social na magpapatupad ang Estados Unidos ng naval blockade sa Strait of Hormuz at haharangin ang mga barkong nagbabayad ng umano’y “illegal toll” sa Iran.
Ayon pa sa kanya, patuloy ding lilinisin ng U.S. ang mga daungan sa Strait of Hormuz upang matiyak ang ligtas na daloy ng mga kaalyadong barko nito.
Nauna ring sinabi ng U.S. military na handa silang muling magsagawa ng operasyon laban sa Iran sa tamang oras, habang nananatiling walang kasunduan ang magkabilang panig kaugnay ng nuclear program ng Iran.
















