Nanawagan si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga kompanya ng langis na tumulong sa pagpasan sa mataas na presyo ng produktong petrolyo upang mabawasan ang epekto nito sa mga ordinaryong Pilipino.
Sa isinagawang consultative meeting sa Kamara, iminungkahi ni Speaker Romualdez na bawasan ng mga kompanya ng langis ang kanilang kita para bumaba ang presyo ng produktong petrolyo.
Bukod sa mga miyembro ng Kamara, kasama sa pagpupulong ang mga opisyal ng Department of Energy, at mga kinatawan ng mga kompanya ng langis.
Sinabi naman ng mga kinatawan ng mga kompanya ng langis na ipararating nila sa kanilang mga principal ang apela ni Speaker Romualdez.
Ipinanukala rin ni SAGIP Rep. Rodante Marcoleta ang pagrepaso sa Oil Deregulation Law upang maging transparent ang pricing scheme na ginagamit ng mga oil industry player.
Sinabi ni Marcoleta na nakakuha ng Temporary Restraining Order (TRO) ang mga kompanya ng langis laban sa circular na inilabas ng DOE kung saan pinagsusumite ang mga kompanya ng langis ng detalyadong komputasyon ng kanilang ginagawang pagpipresyo sa kanilang mga produkto.
Pinuna naman ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo, senior Vice Chair ng House Appropriations Committee, ang pare-parehong pagtataas na ipinatutupad ng mga kompanya ng langis hanggang sa huling decimal point.
Ipinanukala ni Quimbo na itigil na ang pagsusumite ng mga kompanya ng langis sa DOE ng lingguhang pagbabago sa presyo at gawin na lamang ito sa mga panahon na kinakailangan.
Tiniyak naman ni Speaker Romualdez na bukas ang Kamara na dinggin ang iba pang alternatibong paraan upang mapababa ang presyo ng produktong petrolyo kasama na ang posibleng pagbawas sa buwis na ipinapataw sa mga ito.