-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine Embassy sa Kuwait ang pagkakasangkot ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa isang insidente na nagresulta sa pagkamatay ng isang batang Kuwaiti.

Ayon sa embahada, nakikipag-ugnayan na ito sa mga otoridad ng Kuwait na nangunguna sa imbestigasyon.

Hindi na tinukoy ng embahada ang pagkakakilanlan ng Pinoy worker ngunit tiniyak ng opisina ang paglalaan nito ng tulong para sa Pinoy, salig na rin sa saklaw at itinatakda ng batas ng Kuwait.

Ayon sa embahada, inilapit na nito ang lahat ng tulong na maaari nitong ibigay sa Pinoy worker na kasalukuyang naka-detine.

Nilinaw din ng embahada na ito ay isang isolated incident at hindi sumasalamin karakter ng mga Pilipino at ng mga Filipino community sa Kuwait.

Ang mga Kuwait-based Pinoy, ayon sa embahada, ay kinikilala dahil sa kanilang kasipagan, pagiging maaasahan, at positibong kontribusyon sa pamayanan.

Ipinaabot din ng embahada ng Pilipinas ang pakikidalamhati nito sa pamilya ng nasawing Kuwaiti.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas ang Embahada ng Pilipinas na ibang impormasyon ukol sa nangyaring insidente. Hindi na rin pinangalanan ng embahada ang naturang OFW.