Kinumpirma ngayon ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac na hawak na ng Department of Health (DoH) ang overseas Filipino worker (OFW) na tumakas sa quarantine facility na kalaunan ay nag-positibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ani Cacdac, ang sitwasyon ay under control na raw at maayos nang nai-turn over sa DoH-Bureau of Quarantine (BoQ) ang 49-anyos na OFW.
Una nang kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na walo ang tumakas sa quarantine facility bago lumabas ang kanilang COVID-19 test results.
Pero isa lamang daw sa mga ito ang positibo sa virus.
Sa ngayon, na-isolate na raw ang lugar kung saan sila na-quarantine at mayroon na ring ipinatutupad na medical protocols.
Bagamat hindi pa malinaw para kay Cacdac ang rason kung bakit tumakas ang mga Pinoy na galing sa ibayong dagat ay hiniling na lamang nito sa mga OFWs na habaan ang kanilang pasensiya.