KORONADAL CITY – Nagpapasaklolo ngayon ang isang overseas Filipino worker (OFW) mula sa Estados Unidos matapos hindi na nito nabawi ang nasa mahigit kumulang P5 million na investment nito sa Rigen Marketing at Kabus Padatuon (KAPA) Community Ministry International Inc.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay alyas Dale, 28-anyos na residente sa isang bayan dito sa South Cotabato at 6 na taon ng OFW sa US, naengganyo umano ito ng kaniyang mga kaibigan na sumali sa Rigen at KAPA.
Sa una nakapag invest muna siya ng P50,000 sa KAPA at nakapagpay-out pa kaya dinagdagan nito ang kaniyang investment na umabot sa mahigit P2.5 million at pinatulog ang kanyang pera sa pag-aakalang tutubo ito ng mas malaki.
Hindi pa ito nakuntento at nag invest din ng mahigit 2.5 million sa isang pang investment scheme na Rigen Marketing hanggang sa inabutan na ito ng closure.
Sa ngayon problemado raw siya dahil hindi alam kung paano babawiin ang kaniyang pinaghirapan sa mahabang panahon.