CENTRAL MINDANAO-Para makaiwas sa sobrang bagal sa digital contact tracing at offline sa kanilang system o shutdown, ilulunsad ang Digital Contact Tracing App sa ibat-ibang mga bayan sa probinsya ng Cotabato.
Ayon kay EOC Manager Board Member Doctor Philbert Malaluan, sinabi nitong natuto ang probinsya sa nangyaring temporaryong pagshutdown sa Davao City system na kung saan umabot sa higit 10,000 ang nais magparehistro sa loob lamang ng isang araw.
Ang magiging proseso anya nito ay pupuntahan ang bawat LGU at ang LGU na ang mag-eenrol sa kanilang constituents na kinabibilangan ng mga matatanda, bata at sa mga nais mag log in na papasok sa border points.
Maari din ang pagbabahay-bahay o bawat purok habang sasanayin din ng pamahalaan ang IT Team ng bawat LGU na siyang makakatulong sa pagpapatupad nito.
Sa pamamagitan ng nasabing sistema, mapapadali na ang isasagawang contact tracing activity kung sakaling may magpositibo kumpara sa pagsusulat pa sa logbook sa bawat papasukang establisiyemento na kung minsan ay mali pa ang inilalagay na pangalan.
Ito ay upang mas maging komprehensibo ang datus at maayos na maipatupad ang safety and health protocol sa lalawigan.
Para naman sa online registration, mayroon ng 118, 861 ang nakapagrehistro.
Ang gagamiting digital contact tracing application ay maari na ring maipresenta sa karatig na lugar sa loob ng rehiyon dose na tinawag na unified system.