-- Advertisements --

Kampante si National Union of People’s Lawyers (NUPL) President Ephraim Cortez na pagtitibayin ng International Criminal Court (ICC) ang jurisdiction nito sa Pilipinas.

Nakatakda bukas, April 22, 2026, ang paglalabas ng international tribunal sa desisyon ukol sa petisyon ng kampo ni dating Pang. Rodrigo Duterte na kumukuwestyun sa hurisdiksyon nito sa Pilipinas at sa kaso ng dating lider.

Ayon kay Atty. Cortez, tiyak na kukumpirmahin at pagtitibayin ng pre-trial chamber ang hurisdiksyon ng hukuman sa Pilipinas salig sa ilang dahilan tulad ng mga sumusunod:

Una, ang mga krimen na iniuugnay kay FPRRD ay nangyari noong miyembro pa ang Pilipinas ng ICC.

Pangalawa, nagsimula ang preliminary investigation ng Office of the Prosecutor February 2018, isang taon bago pa naging epektibo ang withdrawal ng Pilipinas sa ICC.

Ikatlo, nag-umpisa ang imbestigasyon ng OTP noong nasimulan na ang preliminary examination noong 2018 at hindi noong 2021 kung kailan inotorisa ng OTP ang pagsasagawa ng preliminary investigation.

Nanindigan din si Cortez na ang authorization para sa preliminary investigation ay bahagi lamang ng iisang court proceeding. Ito ay nagpapakita lamang aniya ng mas mataas na antas ng imbestigasyon mula sa dating preliminary examination o pagtukoy kung may mga nangyaring krimen na maituturing bilang crimes against humanity, patungo sa preliminary investigation o ang mismong pormal na imbestigasyon na tumutukoy sa kung sino ang tunay na may sala at pinaka-liable sa naturang krimen.

Binigyang-diin din ng batikang abogado na ang pag-withdraw ng Pilipinas mula sa ICC ay na-disenyo para iwasan ang imbestigasyon at pananagutan ng nakalipas na administrasyon ngunit masyado na itong huli.

Maliban dito, nananatili rin aniya ang residual o continuing jurisdiction ng ICC sa kaso ng dating pangulo, kaya’t walang impact ang pag-kuwestyun ng kaniyang kampo. (Report by Bombo Genesis)