BUTUAN CITY – Sasampahan ng kaso ng Butuan City Police Office (BCPO) ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na nangha-harass sa isang police station sa lungsod.
Ito’y matapos eksklusibong aminin sa Bombo Radyo Butuan ng nagpakilalang tagapagsalita ng NPA-WANAS na si Ka Omar Ibarra na sila ang responsable sa nasabing harassment na bahagi umano ng kanilang serye ng operasyon na isinagawa sa iba’t ibang lugar sa Agusan del Norte.
Ayon kay PCpt. Emmerson Alipit, tagapagsalita ng BCPO, kanila itong napagdesisyunan dahil sa negatibong epektong hatid ng harassment sa mga residente lalo na sa mga bata na nakaranas ngayon ng trauma.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ng opisyal na hindi man lamang kinokonsidera ng grupo ang posibleng casualty na maidudulot ng kanilang ginawa sa mga sibilyan dahil sa kabahayan na malapit lang sa naturang police station.
Kasama sa mga kasuhan ng BCPO ang mga lider ng Guerilla Front 4-A at Guerilla Front 88 na sina Ryan Sabanal alyas Dante; Joverly Joy Escobilla alyas Luis; Jelan Pinakilid alyas Baking, isang alyas Arnold at alyas Andoy.