-- Advertisements --

Inamin ng beteranang aktres na si Nova Villa na nagulat ito matapos gawaran ng pinakamataas na pagkilala na ibinibigay ng Santo Papa sa mga layko.

Una rito, tinanggap ni Villa, o Novelita V. Gallegos sa tunay na buhay, ang Pro Ecclesia Et Pontifice award, dahil sa kanyang hindi matatawarang serbisyo sa lay community sa Quezon City.

Ayon sa 73-year-old actress, may kaakibat umanong misyon ang lahat ng kanyang mga ginagawa sa showbiz industry.

“Yung ambisyon kong mag-artista became a mission, lahat ng ginagawa ko sa showbiz ay may kaakibat na misyon,” wika ni Gallegos sa isang panayam.

Si Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias ang nag-nominate kay Villa para sa nasabing papal award noong Hunyo ng nakalipas na taon.

Maliban kay Nova, tumanggap na rin ng kalahintulad na parangal ang komedyanteng si Ai Ai delas Alas at National Artist for Music Ryan Cayabyab.

Sa kanyang limang dekada bilang aktres, nakilala si Nova Villa sa kanyang mga ginampanang papel sa ilang mga patok na sitcom noong dekada ’90 gaya ng “Home Along Da Riles.”