
Kinumpirma mismo ni Justice Sec. Menardo Guevarra na patay na ang negosyanteng German national na isinasangkot sa kontrobersiyal na Wirecard fraud.
Ang negosyante ay kinilalang si Christopher Reinhard Bauer na una nang ipinatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil na rin sa nabunyag na nawawalang 1.9 billion Euros o katumbas ng $2.1 billion o mahigit P1.7 trillion.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, base sa mga opisyal na dokumentong isinumite sa NBI, patay na si Bauer noon pang July 27, 2020.
Sinasabing nasawi si Bauer sa isang ospital sa Paranaque City dahil sa natural cause.
At dahil na rin sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, agad nang ikrinemate ang mga labi ng naturang dayuhan.
“Per official documents submitted to the NBI, christopher reinhard bauer, a german national/businessman, died on 27 july 2020 in a parañaque hospital due to natural causes. he was subsequently cremated. he was the same person summoned by the NBI in connection with the wirecard fraud investigation,” ani Guevarra.
Si Bauer ang dating executive ng kumpanyang Wirecard AG na kabilang sa mga indibidwal na iniimbestigahan sa umano’y multi-million dollor fraud sa Wirecard.
Nakarating sa bansa ang isyu ng Wirecard matapos umanong dumating sa bansa ang dating chief operating officer ng kumpanya na si Jan Marsalek noong June 23 bago lumipad patungong China kinabukasan matapos pumutok ang isyu sa Wirecard.
Pero ayon kay Sec. Guevarra, pineke ang travel records ng pagdating nito sa bansa.
Una rito, inatasan ni Guevarra ang NBI na makipag-ugnayan sa Anti Money Laundering Council (AMLC) para malaman kung may indikasyon ng money laundering.
Sa isyu naman kay Jan Marsalek, Chief Operating Officer (COO) ng Wirecard, lumalabas daw sa record ng BI na dumating ito sa bansa noong Marso 3, 2020 at umalis din noong Marso 5.
Pero may mga indikasyon din umanong posibleng bumalik ito sa bansa at posibleng nandito pa sa Pilpinas.
Ang mga bangko naman sa Pilipinas kabilang ang Bank of the Philippine Islands (BPI) at BDO ay sinabing pineke ang mga dokumento kaugnay ng transaksiyon para magmukhang nasa kanila ang nawawalang pera.
Una nang sinabi na rin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang nawawalang pera na sinasabing idineposito sa dalawang bangko ay hindi nakapasok sa local financial system ng bansa.
















