CENTRAL MINDANAO – Selos umano sa negosyo ang natatanaw ng mga otoridad na dahilan sa nangyaring pagbaril-patay sa isang negosyante sa siyudad ng Cotabato.

Una nang nakilala ang nasawi na si Rebonito ”Bonbon” Padlan, dealer ng San Miguel Beer at residente ng TV Juliano St., Barangay Rosary Heigths 12, Cotabato City.

Sugatan naman ang isa pang kawani ng SMB Cotabato area.

Ayon kay Cotabato City police director, P/Col. Michael Lebanan, habang sakay ang mga biktima sa isang Toyota Rav 4 mula sa Awang Airport ngunit pagsapit nila malapit na sa tahanan ni Padlan ay bigla itong pinagbabaril ng riding in tandem suspects gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin patungo sa liblib na lugar sa lungsod ng Cotabato.

Agad na dinala ng mga kamag-anak ang mga sugatan sa pagamutan ngunit makalipas ang isang oras ay binawian ng buhay si Padlan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang pamamaril.