-- Advertisements --

MANILA – Naniniwala si Health Sec. Francisco Duque III na hindi makaka-apekto sa posibilidad na pagluluwag ng quarantine measures sa Metro Manila ang natuklasang mutations ng SARS-CoV-2 virus sa Central Visayas.

“It will not affect it because NCR is (a) different region,” ani Duque sa isang press briefing.

Nitong Huwebes nang i-ulat ng Department of Health Regional Office 7 na may dalawang “mutations of concern” na na-detect sa ilang samples na kanilang ipinadala para sa genome sequencing.

Kinumpirma naman ng Philippine Genome Center na ang mga natukoy na mutation ay ang E484K at N510Y.

Sa kabila nito, nilinaw ng kalihim na kailangan pa rin sundin ang health protocols kasabay ng pagluluwag sa quarantine restrictions.

“We have to be really careful as we further relax our quarantine status from GCQ to MGCQ.”

Bukod sa mga patakaran, kailangan din daw tiyakin ng local government units na naipapatupad nila ng wasto at agresibo ang mga stratehiya.

Katulad ng testing, isolation, at treatment sa mga kaso ng COVID-19.

“We need to scale up even more in the light of these variants our PDTIR strategies, so massive promotion to let the public comply more effectively and faithfully.”

Nitong linggo nang lumabas ang ulat na pabor na ang mayorya ng alkalde sa Metro Manila na ilagay sa MGCQ (modified general community quarantine) ang rehiyon pagdating ng Marso.

Sa ilalim ng MGCQ, mas maluwag nang magkaka-access ang publiko sa mga establisyemento at serbisyo

Mayroon ng higit 555,000 cases ng COVID-19 sa Pilipinas, batay sa huling case bulletin ng DOH.