-- Advertisements --

Lumagpas na sa tinatawag na epidemic threshold ang mga kaso ng leptospirosis sa Quezon City.

Ito ay matapos iulat ng health officials ng lungsod nitong Linggo, Agosto 3 na pumalo na sa 43 ang bagong mga kaso ng nasabing sakit sa loob lamang ng pitong araw mula Hulyo 24 hanggang Hulyo 30.

Ayon kay Physician Rolando Cruz, chief epidemiologist ng QC government, nakapagtala na ng 178 kaso ng leptospirosis ngayong taon sa lungsod, na 23% na mas mataas kumpara sa naitala sa parehong panahon noong 2024.

Mahigit kalahati ng mga kaso sa lungsod ay iniugnay sa direktang pagkakalantad sa mga tubig-baha habang ang iba naman ay dahil sa kontaminadong tubig.

Ang epidemic threshold ay walang eksaktong bilang dahil ito ay nagiiba base sa historical data at kasalukuyang sitwasyon. Ito din ay tinutukoy ng Department of Health at mga lokal na pamahalaan.

Masasabing lagpas na ang kaso ng leptospirosis sa epidemic threshold kapag ito ay higit na sa average number ng mga kaso mula sa nakalipas na limang taon.

Kapag naabot na ang epidemic threshold, sinyales ito ng posibleng outbreak ng sakit na maguudyok sa DOH na magdeklara ng outbreak at magpatupad ng mga hakbang para makontrol ang pagkalat ng sakit.

Samantala, bagamat magagamot ang leptospirosis, dapat na ma-diagnose ng tama at magamot.

Sa panig naman ng DOH, patuloy na hinihimok ang publiko na iwasang lumusong sa tubig-baha at agad na maghugas ng katawan gamit ang malinis na tubig at sabon.

Pinapayuhan din ang publiko na imonitor ang sarili kung makaramdam ng sintomas ng ilang araw dahil maaari itong maramdaman makalipas pa ang isang linggo.

Tiniyak naman ni Health Sec. Ted Herbosa na may sapat na naka-preposisyong stocks ng antibiotic laban sa leptospirosis.