Aasahan sa darating na Abril 14 na pagdinig ng House Committee on Justice ang ulat mula sa National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa pinaigting na seguridad ni Ramil Madriaga, ang dating aide at mahalagang testigo sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, inaprubahan na ng komite ang mosyon upang palakasin ang proteksyon para kay Madriaga.
Inaasahan din ang pagharap nito sa susunod na pagpupulong ng mga mambabatas upang magbigay-linaw sa mga isyu.
Binigyang-diin ni Adiong na krusyal ang partisipasyon at testimonya ng testigo dahil nakasentro ito sa Article III at IV ng mga nakahaing reklamo, na nag-aakusa kay Duterte ng panunuhol sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd) noong siya pa ang kalihim nito.
Pinalutang ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno ang mosyon na isailalim si Madriaga sa protective custody bunsod ng matinding banta sa buhay nito. Base sa affidavit na ginawa ni Madriaga habang nasa kulungan, nangangamba siyang nais siyang ipapatay ni dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr.
Sa kasalukuyan, dalawa na lamang sa apat na orihinal na impeachment complaints ang aktibong dinidinig ng komite matapos ibasura ang una at bawiin naman ang ikalawa.















