-- Advertisements --

Positibo ang National Bureau of Investigation na kayang maibalik pa rin ang mga umano’y nakaw na yaman mula sa maanomalyang flood control projects. 

Sa isinagawang pulong balitaan ng naturang kawanihan, inihayag ng kasalukuyang direktor na si Retired Judge Jaime B. Santiago na posible itong mangyari. 

Giit niya’y maari at pwedeng marekober pa ng pamahalaan ang perang nakuha ng mga sangkot mula sa mga proyektong nahaharap sa kontrobersiya. 

Naniniwala kasi ang naturang direktor na marerekober pa ang binansagang ‘ill-gotten wealth’ sa nagpapatuloy na kaliwa’t kanang pag-iimbestiga hinggil sa isyu. 

Habang sa naging pagtatanong naman ng Bombo Radyo, kanyang ipinagmalaki ang kakayahan ng kawanihan para masuring maigi ang mga marerekober na pera kung sakali. 

Aniya’y mayroong mga propesyunal na dalubhasa sa forensic accounting ang katuwang at kasama nila rito sa pag-iimbestiga. 

Kaya’t binigyang diin ni Director Jaime B. Santiago na mahihirapan aniya makalusot ang mga sangkot sapagkat hindi na umano maitatago ng mga ito ang umano’y nakaw na yaman. 

Ito’y bunga rin ng pakikipagtulungan at ugnayan ng kawanihan sa Anti-Money Laundering Council para sa aksyong gagawin sa mga konektadong bank accounts na madidiskubre.

Samantala ang Department of Justice naman ay inihayag na kanilang hindi isinasara o isinasantabi ang posibilidad na makusindera pa rin ang mga Discaya bilang testigo. 

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, may pagkakataon ang mga ito na tumayo bilang testigo sakaling tuparin nito ang ilang kondisyon. 

Aniya’y dapat munang ilahad ng mga Discaya ang katotohanan pati ang buong nalalaman hinggil sa isyu ng flood control projects.