Naghahanda na ang National Bureau of Investigation (NBI) na magbigay ng seguridad sa pagdalo ni dating Negros Oriental representative Arnolfo Teves sa kaniyang arraignment.
Itinakda kasi ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 12 Judge Renato Enciso ngayong arawa ang arraignment at pre-trial conference dahil sa kasong iligal possession of firearms and explosives.
Sinabi naman ni NBI Director Jaime Santiago na hinihintay din nila ang kautusan ng korte matapos na maghain ang abogado nito na si Atty. Ferdinand Topacio na kung maaari ay dumalo na lamang si Teves sa online hearing.
Ilang mga tauhan na ng NBI ang nakahanda para dalhin si Teves mula sa NBI facility sa Bureau of Corrections compound sa Muntinlupa City patungo ng sa Manila RTC.
Hinihintay din ng NBI ang mga commitment orders mula sa anim na korte na humahawak sa kaso ni Teves.
Una ng naglabas ng commitment order ang Manila RTC Branch 12 kung saan inatasan na ilagay si Teves sa Manila City Jail.
Duda naman si Santiago na maaring mabigyan ng temporary release si Teves dahil sa karamihan sa mga kasong kinakaharap niya ay non-bailable.