-- Advertisements --

Kinumpirma ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na pito (7) hanggang walong pinakamalalaking contractor companies ang may pare-parehong executives, board of directors, at officials.

Ang mga naturang kumpaniya ay kabilang sa listahan na unang inilabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ayon sa opisyal, malinaw itong anomalya sa bidding process na isinasagawa sa mga proyekto ng gobyerno. Ang mga ito aniya ay paulit-ulit ding nanalo sa mga bidding at nagbulsa ng malalaking government contracts para sa mga flood control project.

Ito ay natuklasan ng NBI kasunod ng pagsasagawa nito ng sariling imbestigasyon sa mga contractor na tinukoy ni Pang. Marcos, kung saan ilan sa kanila ang lumalabas na may komuntrata sa mga ghost prost project at substandard structures.

Kabilang sa mga naging basehan ng naturang opisina ang mga sinuring kontrata na kapwa pinasok ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng mga nabanggit na kontraktor.

Isusumite na rin ng NBI ang listahan ng mga nabanggit na contractor sa Department of Justice upang irekomendang kasuhan ang mga ito.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng NBI sa mga DPWH contract, kasama na ang pagsusuri ng bawat regional office nito sa mga flood control project sa kani-kanilang area of responsibility.