Tuluyan nang nagretiro sa paglalaro ng basketball si NBA sharpshooter Joe Harris matapos ang sampung taon sa liga.
Si Harris ay isa sa pinaka-episyenteng shooter na naglaro sa NBA. Sa kanyang pagreretiro, hawak niya ang pang-limang pinakamataas na 3-point shooting percentage sa kasaysayan ng liga – 43.5%.
Bukod sa mataas na 3-pt percentage, hawak din niya ang 47.9% sa 2-pt shots.
Una siyang na-draft sa NBA noong 2014 sa pamamagitan ng Cleveland Cavaliers. Gayunpaman, naging limitado lamang ang paglalaro niya sa unang dalawang season niya sa liga.
Noong 2016, na-trade si Harris sa Orlando Magic ngunit hindi rin siya binigyan ng playing time sa naturang koponan.
Sa pagtatapos ng 2016 season, kinuha siya ng Brooklyn Nets at dito na siya nabigyan ng mahabang oras na paglalaro sa court bilang bench player.
Matapos ang dalawang season sa Nets, ginawa siyang starter. Sa taong ito, nanguna siya sa 3-pt shooting percentage sa buong liga at nagtala ng 47.4%.
Noong 2021 – 2022 season, sumailalim si Harris sa dalawang magkasunod na ankle injuries hanggang sa tuluyan din siyang na-trade sa Detroit Pistons. Habang nasa Pistons, nagtamo siya ng shoulder sprain at tuluyang binitiwan ng koponan.
Hawak ni Harris ang career regular-season average na 10.3 points, 3.0 rebounds, 2.0 three-pointers, at 1.6 assists per game. Naglaro siya sa loob ng 504 games.