-- Advertisements --

Nakahanda ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tumulong sa pagsasagawa ng inspection sa mga flood control project na umano’y nababalot ng anomalya.

Pagtitiyak ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, basta mayroong official request na matatanggap ng hukbo, maaari itong agad magsagawa ng inspection at malalimang pagsusuri sa mga flood control structure, kasama na ang tulong para sa pagbuo ng findings.

Maari aniyang atasan ng AFP ang Corps of Engineers nito, kasama ang iba pang units na may kakayahan at kapabilidad na magsagawa ng public infrastructure inspection.

Ginawa ni Col. Padilla ang naturang pahayag bilang kasagutan sa naunang statement ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na kaniyang hihilingin ang tulong ng pulisya at ng militar dahil hindi kaya ng ahensiya na mag-isang magsagawa ng inspection sa libo-libong proyekto.

Kabilang sa mga tulong na maaaring ibigay ng militar ay ang site inspection, pagbibigay-seguridad, at pagtiyak na bukas ang mga inspection.

Ang naturang tulong ay bahagi rin aniya ng mandato ng AFP na defense at nation-building kung saan ang pagprotekta sa integridad ng mga pangunahing imprastraktura ay nagpapatatag sa kapakanan at proteksyon ng mga mamamayan.

Sakasalukuyan, nakabuo na rin ang DPWH ng isang team na agad idineploy para magsagawa ng pagrepaso sa mahigit 100 kuwestyunableng proyekto sa buong bansa.