ILOILO CITY – Patay ang anim na taong gulang na bata matapos mabaril ng nakaalitan ng kanyang ama sa Barangay Bayo Pequeño, Anini-y, Antique.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Lieutenant Richard Tobias, officer-in-charge ng Anini-y Municipal Police Station, sinabi nito na agad binawian ng buhay ang batang babae dahil sa tinamong limang tama ng bala ng baril sa kanyang ulo at katawan.

Ayon sa hepe, ang bata ay natutulog lamang sa loob ng kanilang kwarto nang bigla na lang sumigaw ang suspek na si Glen Unica sa labas ng bahay ng biktima.

Inakala ng suspek na nasa loob ng kuwarto ang ama ng bata na si Jeros Soberanos na kanyang nakaaway kaya pinaputukan niya ito ng baril.

Nang dumating si Soberanos sa kanilang bahay, nadatnan nito na tadtad na ng bala ang kanilang bahay na gawa sa kawayan.

Dahil sa galit, sinaksak naman ni Soberanos ang suspek.

Ani Tobias, love triangle umano ang isa mga tinitingnang anggulo sa krimen.