-- Advertisements --

Tahasang inamin ni Interior Secretary Eduardo Año na napag-initan nang kaniyang mga upper classmen si 4CL Darwin Dormitorio kaya nabugbog ito ng todo.

Batay sa resulta ng medico legal, nasawi si Dormitorio dahil sa cardiac arrest secondary to internal bleeding.

Sa panayam kay Sec. Año sa Kampo Krame, kaniyang sinabi na kasama sa iimbestigahan ng probe team ang motibo kung bakit pinag-iinitan si Dormitorio.

Inamin din ni Año na si Dormitorio ay kaniyang pamangkin sa side ng kaniyang misis.

Pinasisiguro naman ng kalihim sa Cordillera-Philippine National Police na walang “cover up” o whitewash sa gagawing imbestigasyon at mananagot ang mga kadeteng sangkot.

Aalamin din kung may pananagutan ang mga opisyal ng PMA at ang doktor na tumingin kay Dormitorio.

Una rito, tiniyak ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Benjamin Madrigal na ang lahat ng responsable sa pagkamatay ng isang kadete sa Philippine Military Academy noong nakaraang linggo ay pananagutin.

Ayon kay Gen. Madrigal, iti-turnover nila sa pulis ang mga responsable sa pagkamatay ni 4CL Darwin Dormitorio.

Siniguro ni Madrigal na itinataguyod ng AFP ang pinakamataas na antas ng “accountability” at “transparency” sa kanilang hanay at hindi kukunsintihin ng anumang kilos na maglalagay sa mga buhay ng kanilang mga miyembro sa panganib.

Ipinaabot naman ni Madrigal ang pakikiramay ng buong Sandatahang Lakas sa pamilya ni Dormitoryo, at sinabing gagawin ng AFP ang lahat para hindi na maulit ang ganitong insidente.

Ayon naman kay PMA spokesperson Major Reynan Afan, dalawang kadete ang nakakulong sa stockade at isa ang nasa holding center.

Sa panig ng PNP-Baguio, patung-patong na kaso ang kahaharapin ng mga suspek.