-- Advertisements --

Aabot sa 200,000 trabaho ang inaasahang maibabalik kasunod ng paglalagay sa National Capital Region (NCR) gayundin sa mga karatig na lalawigan ng Rizal, Bulacan, Cavite, at Laguna, sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) simula bukas, Mayo 15.

Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez, magmula nang inilagay kasi ang “NCR Plus” sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) noong Marso ay 1.5 million Pilipino ang nawalan ng trabaho.

Bumaba ito ng hanggang 1 million nang inilagay ang NCR at mga karatig lalawigan sa ilalim naman ng modified ECQ noong Abril.

Sa ngayon, ang bilang ng mga manggagawang nawalan ng trabaho ay bumaba pa sa 700,000 matapos na payagan ng national govenrment ang limited operations ng ilang mga establisiyemento tulad ng mga dine-in restaurants, barber shops at parlors sa gitna ng MECQ.

Kagabi sa isang televised address, inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang NCR Plus ay ilalagay na sa ilalim ng GCQ na mayroong “heightened restrictions” mula Mayo 15 hanggang Mayo 31.

Kabilang sa mga economic activities na pinapayagan sa bagong quarantine classification na ito ay ang indoor dine-in services sa 20% venue o seating capacity, outdoor o al fresco dining sa 50% venue o seating capacity, at outdoor tourism.