Malapit nang matapos ng mga ahensya at kagawaran ng pamahalaan ang pagpapauwi ng ilang libong overseas Filipino workers (OFWs) na ilang buwang stranded sa Metro Manila dahil sa lockdown.

Sa virtual hearing ng House committee on overseas workers affairs, sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Director Alice Visperas na hanggang kaninang umaga ay 19,010 na ang mga OFWs ang nakauwi sa kanikanilang mga lugar.

Ito ay apat na araw matapos na sinimulan ng DOLE, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Coast Guard (PCG) ang pagpapauwi sa 24,000 OFWs na stranded sa Metro Manila.

Mayo 24 nang binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang mga ahensya at kagawaran ng pamahalaan ng pitong araw para mapauwi ang mga OFWs na ito.

Ito ay matapos na magreklamo ang maraming repatriated OFWs na ilang buwan na silang stranded sa iba’t ibang quarantine facilities sa Metro Manila kahit pa tapos na sila sa kanilang 14-day quarantine at negatibo naman sa COVID-19.