-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Hindi magkamayaw sa tuwa ang pamilya Mejias sa Brgy. Ampayon, nitong lungsod ng Butuan matapos makuha ni Angela Mejias ang tatlong gintong medalya sa Palarong Pambansa 2025, sa larong arnis sa mga kategoryang synchronized Likha Anyo Espada y Daga, Synchronized Likha Anyo Single Weapon, at synchronized – Double Weapon para sa elementary girls level.

Ayon sa ama nitong si Rosiller Mejias, natupad ni Angela ang kanyang pangakong gintong medalya bilang regalo sa kanyang kaarawan kahapon habang ngayong araw naman ang kaarawan ni Angela kung kaya’t doble-doble ang selebrasyon ng pamilya.

Dagdag pa ni Rosiller, halos hindi pa mapili ang kanyang anak sa mga contests na sinasalihan ng kanilang paraalang Ampayon Central Elementary School dahil sa kanyang liit, ngunit dahil sa kanyang tiyaga sa pagsasanay, mabibilang lamang sa kamay kung ilang beses itong lumiban sa dalawang taong pagsasanay.

Laking tuwa nila na naabot ni Angela ang pangarap nitong gintong medalya dahil nanalo lamang ito ng pilak sa Palarong Pambansa 2024 sa Cebu.