Kinumpirma ni Department of Agriculture (DA) Sec. William Dar na bumaba ang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bansa ngayong taon kahit pa patuloy ang pagpapatupad ng ahensya ng mga localized programs para tugunan ang naturang isyu.
Base sa obserbasyon ng ahensya, bumaba mula third quarter ng 2020 ang ASF cases sa bansa na pumalo ng 3,060. Sa first quarter kasi ng 2021 ay nakapagtala na lamang ng 935 ASF cases.
Ang magandang development na ito ayon kay Dar ay dahil na rin sa modified protocols na pinaiiral ng ahensya pagdating sa managing, containing, at controlling ng ASF sa bansa — tulad na lang ng pagkakaroon ng local veterinary quarantine checkpoints, disease investigation, at surveillance sa tulong ng mga grupo sa bawat rehiyon at concerned local government units (LGUs).
Layunin aniya ng “Bantas ASF sa Barangay” ang protektahan ang mga ASF-free smallholders at commercial swine farms, gayundin ang pagandahin pa ang biosecurity at proactive surveillance.
Naniniwala ang kalihim na ang programang ito ay makakatulong sa repopulation ng mga baboy sa bansa na naapektuhan ng ASF at alamin ang financial support faqcilities para sa mga alternatibong livelihood projects sa mga ASF-affected farmers.
Dagdag pa ni Dar na sa ilalim ng SURE Aid program ay layon nito na makapagbigay ng livelihood assistance sa mga ASF-affected hog raisers.