Nasa mahigit P700 million na ang halaga ng danyos sa agricultural commodities ang naitala matapos ang pananalasa ng bagyong Agaton.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), base sa pinakahuling typhoon bulletin, ang damage at losses sa agrikultura ng nagdaang bagyo ay nasa P718 million.
Sa ngayon, apektado ng naturang bagyo ang 12,151 na magsasaka at ang kanilang volume ng production loss ay 41,580 metric tons (MT).
Apektado rin ang 17,925 hectares ng agricultural areas sa Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen at Caraga.
Kabilang naman sa mga apektadong commodities ang palay, mais, high value crops at livestock.
Pero ang naturang data ay subject pa rin daw sa validation.
Asahan daw na madaragdagan pa ang damages at losses sa mga apektadong lugar habang nagpapatuloy ang kanilang assessment.
Ayon sa DA, ang palay daw ang labis na naapektuhan ng naturang bagyo na mayroong total volume ng production loss na 40,122 MT na nagkakahalaga ng P672.2 million at 17,318 hectares ng agricultural areas ang apektado.
Ang mga high-value crops gaya ng gulay, cacao at prutas ang apektado rin at mayroong total volume loss na 576 MT at nagkakahalaga ng P24.7 million at 197 hectares ang apektado.
Nasa P21.1 million naman ang pinsala sa pananim na mais na mayroong volume na 883 MT at 409 hectares ang apektado.
Mayroon ding P48,100 na halaga ng production loss para sa livestocks na kinabibilangan ng 275 na manok, swine, duck at goat.