Tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na sapat ang suplay ng tubig sa panahon ng tag-init ngayong taon sa kabila ng El Nino phenomenon.
Ayon kay MWSS Division Manager Engineer Patrick Dizon, ang Angat dam na pinagkukunan ng suplay ng tubig sa Metro Manila at karatig na probinsya ng Cavite, Rizal at Bulacan ay nakahanda para sa El Nino.
Sa ngayon ayon sa opisyal, nasa 213.49 meters ang water elevation sa nasabing dam na mas mataas sa target na normal water elevation na 212 meters.
Matatandaan na idineklara ng DOST ang pagsisimula ng El Nino phenomenon sa Tropical Pacific noong Hulyo 2023 na inaasahang mararamdaman ang epekto sa Pilipinas. Maaari itong magtagal hanggang sa unang kwarter ng 2024 o mas matagal pa.
Samantala, sinabi naman ng MWSS official na parte ng ginagawang augmentation measures sa paghahanap ng karagdagang water sources ay ang konstruksiyon ng 2 water treatment plants malapit sa Laguna lake.