CENTRAL Mindanao – Binawian ng buhay ang isang LGU-Official kasunod ng pananambang sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si Tato Aruyod, municipal administrator ng Talitay, Maguindanao.

Ayon kay Maguindanao police provincial director Colonel Arnold Santiago na habang lulan ang biktima sa kanyang minamanehong multicab mula sa bayan ng Talitay ngunit pagsapit niya sa Brgy Adaon, Datu Anggal, Midtimbang, Maguindanao ay bigla itong dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa Datu Anggal, Midtimbang.

Naisugod pa ang biktima sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City ngunit binawian din siya ng buhay.

Nagtamo ng maraming tama ng bala si Aruyod sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan kaya ito ay namatay.

Sa ngayon ay may mga person of interest na iniimbestigahan ang Datu Anggal Midtimbang na posibleng may kinalaman sa pagpaslang sa biktima.