-- Advertisements --
Councilor Toledo gunned in Ginatilan

(Update) CEBU CITY – Kinondena ng mga opisyal ng Ginatilan, Cebu, ang pagpatay sa kanilang municipal councilor na si Maria Liza Toledo.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ginatilan Vice Mayor Jose Ramon Gornez, sinabi nitong malaking impact ang krimen para kanilang mga mamamayan kung saan ang tahimik nilang bayan ay biglang nabulabog sa isang pamamaril sa harap mismo ng town hall.

Kaugnay nito, nanawagan ang bise alkalde sa pulisya na bilisan ang imbestigasyon upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Councilor Toledo.

Una nito, isinalaysay ni Vice Mayor Gornez na katatapos lang ng kanilang sesyon nang nilibre sila ng konsehal ng tanghalian at pagkatapos nito ay una na itong lumabas ng kanilang town hall.

Kasunod ito ang bigla na lang silang nakarinig ng isang putok ng armas hanggang sa nagkagulo na ang mga empleyado ng munisipyo kaya agad itong lumabas.

Laking gulat nila nang tumambad ang nakahandusay at duguang katawan ng konsehal.

Kaagad pa itong dinala sa district hospital sa kalapit na bayan ang biktima ngunit kinalaunan ay binawian ito ng buhay.

Sa ngayon ay patuloy na inaalam ng mga otoridad ang mga responsable at ang posibleng motibo sa krimen.