-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – ‘Strike while the iron is still hot.’

Ganito ang nais ng ina ni Cindy Obeñita na si Letty matapos koronahan ang kanyang anak sa katatapos na Miss Intercontinental 2021.

Ito ang sinabi ng nakatatandang Obeñita kung ano ang mga susunod na plano ng anak sa kabila ng panibagong naabot na tagumpay nito sa larangan ng beauty pageant competition.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ng ina na wala pa sa plano ng anak na huminto na maghanap ng karagdagang parangal para sa bansa gamit ang kanyang bigay na kagandahan at talino.

Sinabi ng nakatatandang Obeñita na matapos umano ang panunungkulan ni Cindy bilang Miss Intercontinental 2021 ay agad itong kukuha ng kanyang masters degree.

Ang 25-anyos na si Cindy ay nagtatapos bilang magna cum laude ng kursong Bachelor of Arst major in Mass Communication ng isang unibersidad ng lungsod at kasalukuyang senior tourism officer ng provincial government ng Misamis Oriental.

Ito nga ang dahilan na isa lamang si Cindy sa mga maraming Misamisnon beauty queen na nakaabot sa national pageantry dahil turismo rin ang flagship program ng kasalukuyang upo na si Provincial Gov. Bambi Emano.