-- Advertisements --

Mariing nanawagan sa pambansang pamahalaan si Senate Committee on Health Vice Chairman Senator Christopher “Bong” Go na ibalik sa mga Pilipino ang pera ng bayan sa pamamagitan ng mabilis at sapat na saklolo, lalo na ngayong nahaharap ang bansa sa mabigat na krisis at matinding pagbaha.

Ayon sa senador, ang pera ng gobyerno ay mula sa taumbayan kaya nararapat lamang na pakinabangan ito ng mga mamamayan sa pamamagitan ng maayos na serbisyo at direktang tulong sa panahon ng sakuna at pangangailangan.

Ipinahayag ito ni Go sa kaniyang pagbisita sa Muntinlupa City kamakailan upang personal na alamin ang sitwasyon at maghatid ng tulong sa mga residenteng naging biktima ng sunog sa lugar.

Bago ang kaniyang pagpunta sa Muntinlupa, personal ding binisita ng senador ang lalawigan ng Pampanga kung saan ikinalumo nito ang nakitang lalim ng baha at lawak ng pinsalang dulot ng hanging habagat sa malaking bahagi ng Central Luzon.

Dahil dito, giit ng mambabatas na kailangang unahin ng gobyerno ang pag-alalay sa mga kababayang walang-wala at walang matakbuhan sa gitna ng mga sunod-sunod na kalamidad sa bansa.